Search This Blog

Wednesday, March 17, 2010

ANG PAMBANSANG KAMAO AT ANG PAMBANSANG AWIT

The Philippines' most celebrated boxer, Manny Pacquiao. Ang tinaguriang Pambansang Kamao. Tunay ngang nararapat nga lamang siya sa taguring ito. Buong bansa ay saludo at taas-noong ipinagmamalaki si Pacman. Walang kapantay, maging sa ibang lahi, ang natamong tagumpay ni Pacquiao sa larangan ng boxing, pitong titulo sa magkakaibang dibisyon. At muli nga niyang pinatunayan ang kanyang husay sa kanyang huling laban kay Joshua Clottey noong Linggo. Hindi man ito kasing-exciting kumpara sa mga naunang pakikipagsuntukan sa lona, hindi pa rin matatawaran ang ipinakitang performance ni Pacman sa labanang mala-David at Goliath, dahil sa laki ng agwat ng kanilang sukat. Matagumpay na naidepensa ni Pacman ang WBO welterweight crown.

Hindi ako maituturing na isang boxing fan. Hindi ito ang klase ng sports na aking panonoorin. Pero ang isang Manny Pacquiao lamang ang nag-iisang boksingero na nakapagbigay sa akin ng interes na manood ng boxing. Binigyan niya ako ng dahilan upang ipagmalaki na ako ay isang Pilipino, na hindi umuurong sa anumang uri ng laban. Tunay na pambansang simbolo ng lahing kayumanggi na walang anumang pagsubok ng tadhana ang inaatrasan, gaano man ito kalaki, kabigat o kahirap. Congratulations Manny at sa buong lahing Pilipino na patuloy na lumalaban sa mga hamon ng buhay.



Isang mahalagang simbolo rin ng ating Inang Bayan ang Pambansang Awit na "Lupang Hinirang", na ang musika ay likha ni Julian Felipe at ang mga titik ay isinulat ni Jose Palma. Ngunit hindi ang lyrics na ating ginagamit sa ngayon ang orihinal na titik nito. Inangkop lamang ito sa tulang "Filipinas" ni Jose Palma na noo'y nasa wikang Kastila. Nauna pa nga itong naisalin sa English bago pa naisa-Tagalog, na tinawag noon na Philippine Hymn noong dekada 1920. At noon lamang 1940's isinalin sa Tagalog ang ating Pambansang Awit. Mula sa titulong Philippine Hymn, ay naging "Diwa ng Bayan" noong panahon ng Hapon, na naging "Lupang Pinipintuho" noong 1948. Marami pang ibang bersiyon ng pagsasalin ang sumunod sa kalaunan. At ang "Lupang Hinirang" na alam natin sa ngayon ay noon lamang 1962 naisaling-wika na binuo nina Julian Cruz Balmaceda, Ildefonso Santos, at Francisco Caballo. At ang Pambansang Awit na ito ang sentro ngayon ng kontrobersiya sa likod ng tagumpay ng Pambansang Kamao.

Sa bawat laban ni Pacquiao ay mga de-kalibreng mang-aawit ang pinipili na kumanta ng ating Pambansang Awit, Martin Nievera, Regine Velasquez, Lani Misalucha at maraming pang iba. Na ang pinakahuli ay ang world-class singer na si Arnel Pineda. Iba't ibang bersiyon ang narinig ko mula sa mga singers na ito. At ito ang binabantayan ng National Historical Institute. Naaayon sa batas na ang pag-awit ng Pambansang Awit ay mayroong sinusunod na partikular na pamantayan. At ang hindi pagsunod sa batas na ito ay may karampatang kaparusahan.

Sa ganang akin ay mayroong mali sa ating batas. Hindi man kinanta ng mga nabanggit na singers ang Pambansang Awit sa orihinal nitong tono at tiyempo, ay ramdam mo sa kanila na damang-damang nila ang pagka-Pilipino sa kanilang pag-awit. Nagmumula sa puso ang bawat titik na lumalabas sa kanilang bibig. Hindi sapat na basehan na dahil lamang sa naiba ang bersiyon ay nabastos ang national anthem. Sabi nga ng aking professor noong college, art is relative - what is beautiful to you may not be beautiful to me, and what is not beautiful to you may be beautiful to me. Kanya- kanyang taste lang yan 'ika nga. Ang musika ay nasasaklaw ng sining. Tulad ng ibang larangan ng sining, ay pagkanta ay ipinapamalas ayon sa iyong nararamdaman at hindi limitado ng mga pamantayan. Bakit nga ba may ilang beses nang naiba ang titik ng ating Pambansang Awit? Dahil ba sa ito ay napaglipasan na ng panahon? O dahil hindi na maganda sa ating pandinig?



BEST ACTORS AND ACTRESSES

55 days to go, araw na ng mahalagang desisyon ng mamamayang pilipino. Ang pinakahihintay na presidential elections. Sa edad kong 28, ito pa lamang ang pangalawang beses na ako ay boboto. Unang beses ay noong 2007 barangay elections na mano-mano pa ang proseso ng bilangan. pero this time automated na ("daw") ang eleksiyon. At least kahit paano ay naabutan ko ang tradisyunal na paraang iyon. May ilang beses na rin akong nagsilbing third member o kaya ay poll clerk sa board of election inspectors (BEI) ng mga nagdaang halalan kahit hindi pa ako rehistradong botante noon (alam ko bawal kapag hindi rehistrado) pero nakakalusot pa rin. Sa aking karanasan ay napakahirap at napaka-mabusisi ng makalumang paraan ng halalan noon, lalo na kung presidential elections dahil sa haba ng tally sheet na mamarkahan mo. Habang napaka-iingay ng mga nakapaligid na mga watchers ng iba't ibang partido sa paligid. Pagkatapos ay dadalhin pa ang mga election paraphernalias sa itinakdang lugar. kabado kaming lalabas ng aming precinct dahil sa mga kabi-kabilang mga balita ng karahasan na may kaugnayan sa eleksiyon. Ngayon, hindi na ako makakaupo bilang isa sa BEI. dahil siguro sa automation, mas kaunting tao na lamang ang kailangan.

55 days to go, maraming araw pa ang aking gugugulin upang pag-isipang mabuti kung kani-kaninong pangalan ng mga kandidato ang aking mamarkahan. Sa ngayon, kanya-kanyang stratehiya at iba't ibang gimik ang ginagawa ng mga kandidato ngayon ang pumupukaw ng atensiyon sa atin. Maya't maya ay mapapanood mo ang mga tv ads ng mga kandidato. napakahuhusay umarte ng mga kandidatong ito. kung meron nga lamang award ng best actor at best actress para sa kanila, tiyak mahihirapan ang mga hurado pumili ng mga wagi. Pero siempre, meron akong sariling list of nominees...

and the nominees for the best actor are:

MAR ROXAS




MANNY VILLAR





GILBERT REMULLA





at ang mga nominado para sa best actress ay sina:


LOREN LEGARDA




LIZA MAZA




Ilan lamang ito sa mga nakaka-antig ("kuno") na acting pieces na aking napanood sa tv at internet. Akting na akting at bigay na bigay, 'ika nga WINNER! Sa mga susunod na araw ay mas maiinit na tagpo pa ang ating makikita sa mga political ads sa telebisyon. At pagdating ng MAYO 10, 2010, magkakaalaman na kung sino ba sa mga aktor at aktres nating mga kandidato ang makakapag-uwi ng tropeo...

Monday, March 15, 2010

unang blog

ngayon ay Marso, 15, 2010. ang araw ng aking kauna-unahang blog. eksaktong 7:21 ng gabi sa oras ng aking computer ay tinitipa ko ang post na ito. hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang blog na ito at wala rin akong ideya kung saan ito patungo. basta ang alam ko, may blog na ako. hehehe! hanggang sa muli...